Track by Track: Ang takbo ng Karera ni Patmen sa PRX

Photo from VALORANT Esports
Track by Track: Ang Takbo ng Karera ni PatMen sa PRX
TOKYO — Linggo ng gabi sa LaLa Arena TOKYO-BAY. Lamang ang Paper Rex kontra sa RRQ sa Game 4, 12-7 sa Haven. Isang panalo na lang ang kailangan para masungkit ang tropeo ng VCT Pacific 2025 Stage 2.
Nauwi ang lahat sa huling 1v1. Nakatutok ang buong crowd. Nasa harap si Patrick “PatMen” Mendoza, ang bagong mukha ng PRX, kontra sa Yoru ni Maksim “Jemkin” Batorov.
Puno ang health bar. Sumugod ang Fade ni PatMen. Isang bala, diretso sa ulo. Bagsak si Jemkin. Panalo ang Paper Rex.
Tinalo nila ang RRQ, kinuha ang tropeo, at naglatag ng landas papuntang Paris para katawanin ang Pacific sa VALORANT Champions 2025.
Mula Amateur Scene hanggang ZOL Esports
Bago pa man marating ni PatMen ang pinakamalalaking entablado ng VALORANT, ibang anyo ang nakilala ng komunidad. Nagsimula siya sa iba’t ibang amateur squads, hanggang makilala bilang miyembro ng ZOL Esports.
“Before ako mag-join ng Paper Rex, iba yung role ko na nilalaro. Naglaro ako bilang duelist,” ani ni PatMen. “So, yung time na ‘yon, naglaro pa ako nang maraming beses bago makapasok sa Tier 1 level.”
Noong 2024, nakapag-uwi siya ng first-place finish sa VALORANT Challengers, pero hindi iyon naging madali. Aminado siyang madalas niyang pilitin ang sarili para sa pick-offs — isang mindset na kinailangan niyang baguhin.
“Hindi ka pwedeng manalo nang ikaw lang,” pag-amin ni PatMen. “Dati pinapagod ko masyado yung sarili ko para lang maka-pick off ng kalaban.”
Ang Pag-angat Kasama ang Paper Rex
Nagbago ang lahat nang kunin siya ng Paper Rex, isa sa pinakamalalaking pangalan sa Pacific VALORANT scene. Sa panahong iyon, gutom ang PRX para muling makabalik sa rurok matapos ang isang taon na walang major title.
Para kay PatMen, isang malaking pagkakataon. Para sa PRX, isang sugal.
“Isa sa pinaka malaking bagay (na natutunan ko) is yung teamwork namin. Halos lahat ng mga kampi ko is talagang all-star player level,” ani niya.
Nagsimula siya bilang reserve. Tahimik. Nagbabantay. Pero noong Abril, inilagay siya sa main five. Maraming kumuwestyon, pero may nakita ang Paper Rex na hindi napansin nang iba.
“Dinecide ko talagang tulungan ko sila paano sila makagawa ng play sa laro,” dagdag ni PatMen.
Masters Toronto at Huling Tapatan sa Tokyo
Sa Masters Toronto 2025, opisyal na nagpakilala si PatMen. Rookie sa papel, pero clutch sa laro. Ilang beses siyang nagligtas ng mga laban na nagbukas ng daan para sa unang titulo ng PRX ngayong taon.
At sa Tokyo, pinagtibay niya ang pangalan. Ang kanyang huling 1v1 kontra RRQ ay hindi lang nagbigay ng tropeo, kundi nagpatunay na handa siyang dalhin ang bigat ng pag-asa ng Pacific.
Dalawang sunod na titulo. Dalawang pagkakataon na pinatunayan niya ang sarili.
Hindi lang trophy cabinet ng PRX ang lumago, kundi pati karera ni Patrick. Mula sa amateur duelist hanggang flex rookie, isa na siyang mahalagang bahagi ng PRX train.
At sa paparating na VALORANT Champions 2025 sa Paris, isang tanong ang naiwan: Kaya ba nilang ipagpatuloy ang pag-arangkada?
Para kay PatMen, isang sagot lang ang dala niya mula Tokyo:
Handa siya.